MANILA, Philippines - Pinayagan ng Manila City Council at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang stockpile ng uling sa loob ng Harbour Center Port Terminal, Inc. (HCPTI), sa Manila North Harbor, matapos itong makapasa sa pagsusuri ng mga eksperto.
Base sa ulat noong Mayo 18 ng Adhoc Committee ng Manila City Council na pinangunahan ni Councilor Joel Chua, na pasado sa pamantayan ng pamahalaan ang antas ng mga umano’y “pollutant” sa loob ng Harbour Center.
Ang nasabing ‘committee report’ ay naipamahagi naman sa media kamakailan lang.
Ayon sa pagsusuri ng DENR at ng ‘Aerotics Inc.,’ isang pribadong testing center, sa baybayin ng Manila Bay at kapaligiran ng Harbor Center, umabot lang sa 7.83 ang “pH level” ng tubig na pasok sa pagitan ng 6 at 8.5 pH standard level ng gobyerno.
Umabot naman sa 1.9 mg/liter ang presensiya ng langis na mas mababa sa 3 mg/liter standard.
Gayunman, nag-isyu naman ng ‘Environmental Compliance Certificate’ (ECC) ang DENR sa HCPTI, bilang patunay na ligtas at sumusunod sa regulasyon ang operasyon ng Harbor Center.
Samantala, tiniyak ng HCPTI sa konseho ng Maynila na masusunod ang mga panuntunan ng pamahalaan tungkol sa kapaligiran at kalusugan ng mga residenteng malapit sa lugar.
Matatandaan na naglunsad ng imbestigasyon ang konseho matapos lumabas ang ilang ulat tungkol sa umano’y “panganib” sa kapaligiran at kalusugan na dala ng mga uling sa loob ng Harbor Center.
Ayon pa sa kumpanya, hindi rin nagtatagal ang mga uling sa lugar dahil agad itong inilalabas upang magamit naman ng kanilang mga kostumer.