Leviste walang appointment sa dentista
MANILA, Philippines - Ibinunyag ng dentista ni dating Batangas governor Antonio Leviste na wala itong appointment para sa kanyang dental check-up noong Mayo 18, kung saan nahuli ito sa aktong nakalabas ng New Bilibid Prison at nadakip ng National Bureau of Investigation (NBI) agents.
Ayon kay Florenda Yu, front desk staff ni Dr. Pio Tripon, sinabi nito na hindi nagpa-appointment sa kanila ang dating gobernador kasabay ng pagpapakita ng kanilang logbook.
“Walang tawag, walang appointment sa amin si Mr. Leviste,” ani Yu.
Sinabi naman ni Tripon na kung may appointment si Leviste sa kanila, tumatawag mismo ang kanyang escorts mula sa Bureau of Corrections. Aniya, dalawang ulit lamang nagtungo sa kanyang clinic si Leviste noong Setyembre.
Samantala, sinalungat ng prison guard ng NBP ang pahayag ni Leviste na alam nila ang paglabas-masok nito sa kulungan.
Sa pahayag ni Fortunato Justo, wala siyang nalalaman sa paglabas-masok ni Leviste sa NBP dahil kahit minsan ay hindi umano ito dumadaing sa kaniya na masakit ang ngipin nito taliwas sa mga ibinigay na salaysay ng dating gobernador.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng binuong fact finding committee, lumitaw sa pagsisiyasat ang mga kakulangan ng prison guard personnel na nagbabantay sa mga bilanggo at iregularidad sa ilang patakaran na ipinatutupad.
Aminado si Justo na siya ay custodial guard lamang na nakatalaga sa 22 bilanggo, kung saan siyam dito ang living in inmates at 13 naman ang nakakalabas.
Kinuwestyon naman ni prosecuting Atty. Rohaira Tamano-Lao ang paraan ng pagsasagawa ng headcount lalo na sa mga preso na may living-out at sleep-out status.
Sinabi ni Lao na batay sa manual ng BuCor, dapat na tatlong ulit na ginagawa ang headcount sa mga bilanggo.
- Latest
- Trending