Roxas papasok sa Malacañang sa unang linggo ng Hunyo
Manila, Philippines - Kinumpirma kahapon ni Deputy presidential spokesperson Abigail Valte na pormal na papasok sa Malacañang bilang chief of staff ni Pangulong Aquino sa unang linggo ng Hunyo si dating senator Mar Roxas.
Ayon kay Valte, nabanggit na ng Pangulo na lalagdaan niya ang administrative order kaugnay sa pagpasok ni Roxas bilang chief of staff noong sila ay nasa Davao.
Muling tiniyak ni Valte na hindi magkakaroon ng agawan ng trabaho sa pagitan ng chief of staff, presidential management staff at executive secretary.
Aniya, nakapagdesisyon na ang Pangulo sa kung ano ang magiging trabaho ni Roxas at hindi ito mag o-overlap sa trabaho ng ibang nakapaligid sa Pangulo.
Ipinahiwatig pa ni Valte na hindi hihilingin ng Pangulo kay Roxas na isantabi na nito ang election protest laban kay Vice President Jejomar Binay.
Naiintindihan naman umano nina Roxas at Binay na iisa lamang ang kanilang team at handa silang tumulong sa mga isinusulong na agenda ng Pangulo.
“Wala naman problema sa dalawang officials concerned. Kahit si Vice President Binay sinabi niya we’re all on the same team and willing to work on reform agenda of the president. Siguro dapat tumigil na doon,” pahayag ni Valte.
May mga ispekulasyon na posibleng maging dahilan ng lalong pakakawatak-watak ng mga nakapaligid sa Pangulo ang pagpasok ni Roxas sa Malacañang dahil magkaibang-grupo ang kinabibilangan nina Roxas na nasa Balay Group samantalang si Binay naman ay nasa Samar Group.
Matatandaan na isinulong ng Samar Group ang Noynoy-Binay tandem noong nakaraang presidential elections habang Noynoy-Roxas naman ang sa Balay Group.
- Latest
- Trending