Manila, Philippines - Pinabulaanan ng Philippine Navy na ang kanilang mga tauhan ang responsable sa pagkasugat ng dalawang mangingisdang Vietnamese na pinagbabaril sa pinag-aagawang isla sa Spratly Islands kamakailan.
Sinabi ni Navy spokesman Lt. Col. Omar Tonsay na kung may ganitong insidente ay walang kinalaman ang Philippine Navy personnel na nagbabantay sa Spratly Islands.
“ Definitely hindi Navy personnel, we have checked with our patrol teams and there is no such thing,” ani Tonsay.
Ang insidente ay sa gitna na rin ng pagpapalipad umano ng fighter jets ng China sa Spratly na lumikha ng tension sa lugar.
Sa ipinalabas na report ni Vietnam Police Chief Tieu Viet Thanh, dalawa sa mga mangingisdang Vietnamese ang nasugatan matapos na magpaputok ang apat na mga armadong sundalo sa bangkang pangisda ng mga Vietnamese.
Gayunman, hindi rin nakasisiguro ang Vietnam Police kung sino ang mga nasa likod ng insidente pero may mga lumitaw na report sa mga pahayagan sa nasabing bansa na posibleng mga tauhan umano ito ng Philippine Navy.
Sinabi ni Tonsay na batid ng kanilang Navy personnel kung saan sila dapat lumugar at bukod dito’y disiplinado ang mga ito para basta na lamang masangkot sa nasabing karahasan.
Nilinaw pa ng opisyal na maraming mga security forces sa lugar mula sa mga bansang nag-aagawan sa pag-aangkin sa Spratly Islands para basta na lamang tukuyin na ang Phil. Navy ang may kagagawan sa insidente.
Ang Spratly Islands na mayaman sa depositong langis at mineral ay pinag-aagawan ng Pilipinas, Vietnam, Taiwan, Brunei, Malaysia at ang pinakamapangahas na China.