MANILA, Philippines - Patuloy na sinusubaybayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services (PAGASA) ang isang sama ng panahon na inaasahang maging bagyo na maaaring pumasok sa bansa sa darating na Huwebes.
Ayon kay weather forecaster Jori Loiz, ang naturang sama ng panahon kapag naging bagyo ay tatawaging Chedeng.
Kahapon ng alas-11 ng umaga, ang bagyong Bebeng ay tuluyan nang lumayo sa bansa patungong Southern Japan.
Namataan ito sa layong 50 kilometro silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hanging 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 80 kilometro bawat oras.
Sa Huwebes ng umaga, si Bebeng ay inaasahang nasa layong 810 kilometro hilaga hilagang silangan ng Batanes o 90 kilometro hilagang kanluran ng Okinawa, Japan.