22 'hot cars' nabawi ng NBI, FBI
MANILA, Philippines - Narekober ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 22 units ng pinaniniwalaang smuggled na luxury vehicles mula sa Estados Unidos, sa bahay ng car dealer, na idinaan umano sa port of Cagayan De Oro, sa isinagawang pagsalakay kamakalawa ng hapon sa Bukidnon.
Sinabi ni NBI-Regional Operation Services deputy director Victor Bessat na bahay ng isang Leonard Allan Bigcus, na matatagpuan sa Santiago St., Barangay Poblacion Talakag, Bukidnon ang kanilang pinasok dakong alas-3:30 ng hapon noong Martes (Mayo 3). Doon natuklasan ang mga sasakyang mamahalin na pinaniniwalaang nasa talaan ng ‘hot cars’ ng Federal Bureau of Investigation (FBI).
Ani Bessat, sa Houston, Texas umano ninakaw ang mga nasabing sasakyan at mismong ang FBI ang nagbigay sa kanila ng impormasyon may ilang linggo na ang nakalipas, kaya nagsanib pwersa ang NBI at Philippine National Police (PNP) nang salakayin ang nasabing lugar.
Kabilang sa nakumpiska ang 13 units ng big bikes, isang Chevrolet Tahoe, isang Corvette, isang 2008 Mitsubishi Lancer model, dalawang Yamaha motorcycles, dalawang Honda CRF, isang Suzuki GSX 1000 cc, isang RZR Ranger na kulay pula at dalawang all-terrain vehicle.
Bukod sa mga sasakyan, nakarekober pa ang NBI ng M-16 rifle na may 16 live ammunitions sa bahay ng car dealer subalit bigong maaresto si Bigcus.
Sinabi ni Bessat na matapos matanggap ng PNP ang report ng FBI hinggil sa iligal na bentahan ng matataas na kalibre ng baril at sasakyan noong Abril 25, 2011. Kinumpirma naman sa FBI ni Supt., Graciano Mijares, director ng Misamis Oriental kaya agad na humingi ng assistance ang FBI sa NBI counterpart sa pagkuha ng search warrant na inisyu ng korte.
Una umanong sinalakay ang isang bodega sa Kauswagan, Cagayan de Oro subalit wala doon ang pakay na hot cars at nang may impormanteng nagturo sa bahay ng car dealer at sunod itong sinalakay kung saan nakuha ang may 22 sasakyan. Nasa kustodiya pa ng PNP Provincial Headquarters, sa Villanueva, Misamis Oriental ang 18 habang ang 4 ay nasa kustodiya naman ng NBI Regional Office sa Cagayan de Oro.
Isa umano sa sasakyang nakarnap sa Houston, Texas ay pag-aari pa ng isang sikat na Hollywood writer.
- Latest
- Trending





















