MANILA, Philippines - Hindi pa man pormal na nakakaupo si Augusto ‘Gus’ Lagman bilang pinakabagong commissioner ng Commision on Elections, isang batikang election lawyer na ang nagsabing maaaring hilingin ang pagdiskwalipika dito dahil na rin sa mga sablay niyang pahayag laban sa Precinct Count Optical Scan o PCOS machines na ginamit nitong nakaraang May 2010 national elections.
Ayon sa beteranong election lawyer na si Romulo Macalintal, maaring hilingin ng mga sangkot sa nakabinbing mga election protest case sa Comelec ang pagkakadiskwalipika ni Lagman o ang boluntaryong ‘di pagsali nito sa mga kaso dahil sa mga “premature” at “uncalled for” na mga pahayag laban sa mga makina na ginamit sa 2010 automated elections.
Pinangangambahan din ng mga tagamasid na ang bagong pahayag ni Lagman na siya ay bukas sa iba pang sistema para sa automation ay maaring isang indikasyon na balak itulak muli ng bagong Comelec commissioner ang ni-reject na Open Election System or OES na hindi napili ng Comelec para sa automation noong May 2010.
Ang sistemang ito ni Lagman, ayon sa mga election experts, ay walang garantiya na mapapangalagaan ang mga balota, at posibleng pag-iral muli ng sistema ng dagdag bawas, dahil ang OES ay isang sistema kung saan ang pagbibilang ng mga balota sa presinto ay gagawing manual, at manual ding dadalhin ang mga Election Return sa mga Board of Canvassers, at doon lamang ie-encode sa mga computers ang resulta.
Ayon sa mga tagamasid, ang conflict of interest ni Lagman sa isyu ng poll automation ay maaring maging basehan ng Commission on Appointments para araling mabuti o di kaya ay ibasura ang kanyang nominasyon bilang Commissioner.
Isa pa umanong matibay na dahilan para tanggihan ng CA ang nominasyon ni Lagman ay ang kaso umano nitong estafa na isinampa sa kanya ng DOJ.