Mga taga-MM pabor ilibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos
MANILA, Philippines - Pito sa sampung Pinoy sa Metro Manila ang pabor na bigyan ng ‘hero’s burial’ at ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang labi yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa ipinalabas na resulta ng survey ng Stratpolls, 71. 6% ang nagsabing nais nilang ilibing sa Libingan ng mga Bayani ang pinatalsik na Pangulo habang 28.4% ang tutol.
Ginawa ang survey mula Abril 11-15, 2011 sa mga lugar sa Metro Manila na kinabibilangan ng lungsod ng Makati, Las Piñas, Manila, Quezon at Paranaque. Respondents ang mga edad 46-55 anyos.
Una rito, nasa 200 miyembro ng Kamara ang lumagda sa House Bill 1135 na nagsusulong na ihimlay sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City si Marcos bagay na umani ng pagkakahati-hati ng opinyon ng mga Pinoy.
Sa kasaysayan, napatalsik sa puwesto si Marcos sa pamamagitan ng mapayapang People Power 1 Edsa Revolution na nagluklok naman kay dating Pangulong Corazon “Cory “ Aquino noong Pebrero 1986. Si Marcos na napilitang lumisan sa bansa ay namatay sa Hawaii noong Setyembre 28, 1989.
- Latest
- Trending