12 pagyanig sa Taal, temperatura sa crater tumaas

MANILA, Philippines - Hindi pa rin humuhupa ang ipinapakitang abnormalidad ng bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas.

Sa latest monitoring ng Phivolcs, naitala ang 12 pagyanig sa bulkan sa nakalipas na 24-oras at bahagya ring tumaas ang temperatura ng tubig sa crater nito na naitala sa 31.8°C mula sa 30.8°C.

Sa mga ipinapakitang aktibidad ng bulkang Taal, pinaniniwalaan ng Phivolcs ang nakaambang pag-akyat ng magma sa bunganga nito.

Gayunman, patuloy na nakataas ang alert level 2 sa bulkan kung saan pinapayuhan ng Phivolcs ang publiko na iwasan muna ang Main Crater, Daang Kastila Trail at Mt. Tabaro dahil sa banta ng panganib dito.

Ayon sa Phivolcs, ang sinumang makakalanghap ng mataas na konsentrasyon ng gas mula sa bulkan ay may epekto sa kalusugan ng mga tao at mga hayop gayundin ay may epekto ito sa mga halaman sa paligid ng Taal.

Nananatili namang nasa ilalim ng permanent danger zone (PDZ) ang paligid ng bulkan at hindi magandang puntahan sa ngayon.

Show comments