P530-M plunder vs GMA isinampa
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong plunder sa Department of Justice (DOJ) si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, dalawang dating Cabinet official at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) hinggil sa P530 milyong pondo ng nasabing ahensiya.
Batay sa 23-pahinang reklamo na inihain ni dating Solicitor-General Frank Chavez, inilihis ng dating administrasyon ang P530-milyon pondo ng OWWA na nakalaan dapat para sa medical benefits ng overseas Filipino workers (OFWs).
Bukod sa dating pangulo, sabit din sa kaso sina dating Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo, dating Presidente at Chief Executive Officer ng Philippine Health Insurance Corporation (PHIC) Francisco Duque III at OWWA Administrator Virgilio Angelo.
Nahaharap din ang mga ito sa kasong qualified theft at paglabag sa Omnibus Election Code, RA6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Official at paglabag sa Anti Graft Law.
Ayon kay Chavez, inaprubahan ni Arroyo ang pag-divert ng P533,082,446 na OWWA Medicare Fund sa PHIC batay sa rekomendasyon ni Duque.
Aniya, mismong si Duque ang bumalangkas ng Executive order na inaprubahan ni Arroyo. Batay sa EO layon ng paglilipat ng pondo upang magkaroon ng impact para sa 2004 election at sa kagustuhan na rin ni Arroyo na maglaan ng health insurance sa walong milyong mahihirap sa pagtatapos ng taong 2003.
Inaprubahan din umano ni Arroyo ang pag-divert ng US$293,500 na pondo ng OWWA upang gastusan ang mga aktibidad gaya ng stockpiling at pagbili ng mga sasakyan para sa mga opisyal ng Pilipinas na nakatalaga sa Lebanon, Jordan, Oman, Bahrain, Egypt at Iran bilang suporta sa giyera na inilunsad ng Amerika laban sa Iraq.
Ipinunto rin ni Chavez, batay sa 1987 Constitution ang lahat ng salapi na makokolekta ay dapat tratuhin bilang special fund at magagamit para lamang sa partikular na dahilan. Sa kaso na ito ang OWWA fund ay para lamang sa exklusibong paggamit sa kapakanan ng mga OFW.
- Latest
- Trending