MANILA, Philippines - Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, isinulong ni Senator Manny Villar ang panukalang batas na hihikayat sa mga mamamayan sa paggamit ng bisikleta.
Sa Senate Bill 2688 o Bicycle Act of 2011 na inihain ni Villar, sinabi nito na hindi lamang makakatulong sa kalusugan ang pagbibisikleta kundi alternatibong solusyon din ito sa gitna ng mataas na presyo ng langis.
Umaabot na sa P57 kada litro ang presyo ng gasolina samantalang nais pang itaas ang P8 minimum na pamasahe sa dyip.
Inaasahang madaragdagan pa ang 12 beses na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo simula noong Enero 2011 at posibleng umabot sa P60 kada litro ang presyo ng gasolina.
Nais ni Villar sa kaniyang panukala na magkaroon ng bicycle lanes ang lahat ng pangunahing kalsada sa bansa upang mas mahikayat ang mga mamamayan sa paggamit ng bisikleta..