MANILA, Philippines - Pinarangalan ni Philippine Sweepstakes Office (PCSO) general manager Jose Ferdinand Rojas ang isang driver ng kanilang ahensiya dahil sa pagiging tapat nito nang isauli ang napulot nitong envelop na naglalaman ng pera na pag-aari pala ng isang may-ari ng lotto outlet.
Nakapulot ng isang envelop na may kasamang deposit slip ng Land Bank si Esmael Garcia, na naglalaman ng P12,000 cash noong Abril 13 ng umaga sa may secretariat building ng PCSO sa PICC.
Kaagad ipinagbigay-alam ni Garcia sa mga security personnel ang napulot niyang pera hanggang sa iabot ito sa hepe ng security department ng PCSO na si Hernando Laguindanum.
Nang beripikahin ni Laguindanum sa Land Bank branch sa PICC ay nakatakdang ideposito pala ito sa ilalim ng pangalan ni Grace Yuson na isang lotto outlet owner sa Dagat-dagatan.
Sinabihan ang security chief ng Land Bank na makakabuting idepisot na lamang nito ang nasabing pera sa Land Bank upang maiwas sa penalty at pagkasuspinde ang lotto outlet owner na si Yuson.
Koleksyon ng lotto outlet ang nasabing pera na nasa envelop at nakatakda sanang ideposito sa Land Bank-PICC branch subalit naiwan siguro ng tauhan ni Yuson sa may secretariat building.
“Honesty and public service are some of the PCSO values that we try to impart to our employees. We don’t just give money, we also as much as possible instill and impart good moral values to others,” paliwanag pa ni Rojas na siya ring media manager ng PCSO.
Nagpasalamat naman si Yuson at ang tauhan nitong nakaiwan ng pera dahil sa katapatan ng mga empleyado at security personnel ng PCSO.