RIYADH: Isang 51-anyos na manggagawang Pilipino ang namatay sa kagat ng ahas sa isang disyertong lugar sa Buraidah sa Saudi Arabia.
Sinasabi sa isang ulat ng Arab News na, ayon kay Welfare Officer Eduardo Mendoza ng Philippine Overseas Labour Office-Central Office, ginamot ang biktimang si Celso P. Magora noong Abril 7 sa Buraida Central Hospital pero namatay ito kinalaunan.
“Dahil isa itong kasong pampulisya, idinulog namin ito sa Nationals Section ng Philippine Embassy,” sabi ni Mendoza na nagdagdag na dapat ang employer ang magpauwi sa Pilipinas ng bangkay ng biktima.
Sinabi rin sa ulat na sinabihan na ang pamilya ni Magora sa Tuguegarao City sa Cagayan sa Pilipinas ang hinggil sa kanyang pagkamatay.
Binanggit din ni Mendoza na, kung may problema ang employer ni Magora na Reemal Al-Sowahel Est. sa pagpapauwi sa labi nito, aakuin ng POLO ang responsibilidad.
Ayon naman kay Farhan Wathan Anezi, isang inhinyero na regional manager ng kumpanya sa Qassim, inaayos na ang mga papeles para maipadala sa Pilipinas ang bangkay ni Magora.
Binanggit pa niya na ginagawa ng kumpanya ang lahat ng makakaya nito para mapabilis ang lahat ng bagay.
Kababalik lang ni Magora sa Saudi Arabia pagkaraang magbakasyon sa Pilipinas nang manngyari ang insidente.