Oplan Kalakbay ikakasa sa Taguig
MANILA, Philippines - Kaugnay ng pagdiriwang ng Semana Santa sa susunod na linggo, ipatutupad sa lungsod ng Taguig ang Oplan Kalakbay bilang tulong sa mga mamamayang uuwi sa kani-kanyang lalawigan sa Mahal na Araw.
Inatasan ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang iba’t ibang ahensiya ng lokal na pamahalan na tiyaking magiging ligtas ang paggunita ng mga taga-Taguig ngayong Holy Week.
Partikular na direktiba ni Mayor Cayetano ay ang bantayan ang mga simbahan, mga matataong lugar tulad ng mga mall at mga terminal ng bus, at ang mga residential area. Ipinatitiyak din ng alkalde na magiging ligtas ang pagbiyahe ng mga motorista at ng mga lokal at dayuhang turista.
“Nais po nating maging makahulugan ang semana santa kaya’t ngayon pa lamang ay akin nang ipinalalatag ang preparasyon para sa iba’t ibang religious activity tulad ng mga prusisyon, senakulo at pabasa,” pahayag ni Mayor Cayetano.
Nuong Lunes (Abril 11) ay inumpisahan na ng Taguig Police ang kanilang Oplan Kalakbay 2011.
Tiniyak naman ni Taguig Chief of Police Senior Supt. Tomas Apolinario Jr, na walang isa man sa mga 340 pulis-Taguig ang papayagang magbakasyon ngayong panahon ng Semana Santa upang matiyak na walang bahay na mananakawan at mabantayan ang mga taong mapagsamantala.
- Latest
- Trending