MANILA, Philippines - Isa pang Pinoy na nahatulan din ng bitay sa China ang nanganganib na isunod sa lethal injection chamber.
Kinumpirma ni Consul Joel Novicio ng Phl Consulate sa Xiamen na isa pang Pinoy na hindi tinukoy ang pagkakakilanlan ang nahatulan ng bitay ng walang reprieve dahil sa kasong drug trafficking.
Sa tala ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng nakalipas na taon, may 102 OFWs ang aktibong may death penalty cases at 16 dito ay mula sa Middle East dahil sa mga kasong murder, rape at robbery with murder.
Sa nasabing bilang, 74 dito ay hinatulan ng death penalty dahil sa illegal drugs o drug trafficking sa China. Karamihan sa mga kasong ito ay nakakuha ng 2 taong reprieve habang ang iba ay nakaapela sa mataas na korte ng China.
Sa batas ng China, ang maximum penalty sa mga drug traffickers ay death without reprieve o death with 2 years reprieve.
Sa tala naman ng Migrante, umaabot umano sa 200 Pinoy ang nasa death row sa iba’t ibang bansa, 74 dito mula sa China.
Sa Saudi Arabia lamang, may walong (8) Pinoy ang nag-aantay na ring bitayin matapos na pagtibayin ng Saudi Court of Appeals ang kanilang parusa.
Kabilang sa walong bibitayin sa Saudi sina Rodelio “Dondon” Lanuza, magkapatid na Rolando at Edison Gonzales, at Eduardo Arcilla.
Hiniling na kahapon ng Migrante Middle East kay Vice President Jejomar Binay na kasalukuyang nasa Qatar at nakatakdang bumisita sa Saudi Arabia bukas (Abril 1) na makiusap sa Saudi King upang mabigyan ng clemency ang walong Pinoy na nasa death row sa Saudi.
Si Lanuza na may 10 taon nang nakakulong sa Dammam Jail ay nahatulan ng “death by beheading” o pugot-ulo ng Dammam Grand Court noong Hunyo 10, 2002 matapos na mapatay nito ang isang Arab national noong 2000 dahil sa pagtatanggol sa sarili.
Inaantay na lamang umano na maabot ng anak ng nasawi ang tamang edad upang magdesisyon kung itutuloy ang pagbitay kay Lanuza o tatanggapin nito ang “blood money” kapalit ng pagpapatawad ng complainant at kalayaan ng nasabing OFW.
Nauna na ring naghain ng apela si dating Pangulong Gloria Arroyo kay Saudi Crown Prince Sultan bin Abdul Aziz al-Saud upang mabigyan ng clemency ang kanyang mga Kabalen o kababayang sina Gonzalez at Arcilla.