Japan radiation umabot na sa Pinas
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na umabot na rin sa Pilipinas ang “radioactive particles” buhat sa Japan ngunit agad na pinawi ang pangamba dahil napakaliit umano nito para magkaroon ng epekto sa kalusugan ng mga Filipino.
Posible umano na nagbuhat ang radiation sa nasirang Fukushima Daiichi nuclear power plant na nananatiling nasa kritikal ang kundisyon ngunit hindi na lumulubha pa, ayon sa PNRI.
Sa pinakahuling “radiation level check” sa PNRI grounds sa Quezon City, nasa normal lebel pa rin ito sa 93 hanggang 115 nanosieverts per hour (nSv).
Bukod sa Pilipinas, nakarating na rin umano ang radiation sa United States West Coast na idineklara rin ng kanilang pamahalaan na walang banta sa kalusugan.
Bagamat humalo na sa karagatan ng northern Japan ang radiation, tiniyak naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ligtas pa ring kainin ang mga lamang dagat mula sa karagatan ng Pilipinas.
Ayon kay BFAR Director Malcolm Sarmiento, umaabot sa tatlo hanggang apat na oras ang biyahe mula Pilipinas hanggang Japan at nasa timog kanluran ng Japan ang Pilipinas kaya imposible na maglakbay ang radioactive sa dagat mula Japan puntang Pilipinas.
- Latest
- Trending