Banco Filipino lugi sa legal fees
MANILA, Philippines - Iginiit ng Banko Sentral ng Pilipinas na ipinambayad lamang umano ng Banco Filipino sa mga abogado ang kita ng naturang banko.
Sa pagdinig ng House Committee on Banks and Intermediaries kamakailan ay napag-alaman na ang “legal fees” na ibinayad ng Banco Filipino ay umaabot sa P245 milyon para sa taong 2010.
Ayon kay BSP deputy Governor Juan de Zuniga, noong nakaraang taon ay halos hindi naman kumita ang Banco Filipino bagkus, nalugi pa ito ng P277 milyon bawat buwan.
Sa kabila nito, nagawa pa rin mabayaran ang naturang legal fees na kung saan nitong last quarter ng 2010 ay naibigay ang kabuuang P131 milyong kulang ng BF sa mga abogado.
Sa pangyayaring ito, malinaw na mali ang ginawang pagpapatakbo sa operasyon ng nasabing bangko at kung hindi na kumikita ito, posible umanong ang ibinayad sa legal fees ay mula sa pera ng mga depositor.
Ang nasabing “figures” ay ipinalabas sa pamamagitan ng power point presentation ng BSP sa harap ng mga mambabatas, na malinaw na hindi na nga kumita ang Banco Filipino, abono pa ito.
Ipinaliwanag din ni Zuniga sa komite, noong Setyembre 2010 ang Banco Filipino ay nagtala na nang negative net value na P8.4 bilyon at P2.2 bilyon na pagkakautang na katumbas ng 54 porsiyento ng total loan portfolio nito.
Gayundin, umabot sa P2.8 bilyon ang average annual operating losses o kalugihan ng BF sa loob ng tatlong taon na mula 2007 hanggang 2009.
Napag-alaman din, P242.5 milyon lamang ang “annual average gross income” ng bangko sa loob ng tatlong taon mula 2007 hanggang 2009 na kung saan hindi pa kasama rito ang P597 milyong kompensasyon, benepisyo at professional fees na binabayad bawat taon.
Nalinaw dito, hindi sapat ang kita ng Banco Filipino para punan ang bayarin para sa kanilang mga empleyado at abogado dahil ang dapat nilang punan ay doble ng kanilang gross income.
Samantala, simulan na noong Biyernes, Marso 25, ang pagpapadala ng tseke sa mga maliliit na depositor na naipit makaraang isinaradong bangko.
Nilinaw ni Philippine Deposit Insurance Corp. (PDIC) executive director Christina Urbeta na hindi covered ng deposit insurance ang mga depositong hihigit pa sa P500,000.
Aniya, makukuha ng mga depositor ang P500,000 sa loob ng 90 hanggang 120 araw kapag nag-file ang depositors ng valid deposit insurance claim.
- Latest
- Trending