PNoy sa PNPA grads: 'Wag tatanggap ng suhol
MANILA, Philippines - Pinaalalahanan kahapon ni Pangulong Aquino ang mga bagong nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) na huwag magpapadala sa tukso dahil siguradong marami ang susubok sa kanilang katapatan at magtatangkang manuhol ng limpak-limpak na salapi kapalit ang karangalan.
Sinabi ng Pangulo sa 260 kasapi ng “Mamamayang Sasabak sa Lipunang Ganap” o Masaligan Class of 2011 na tiyak ring maraming mag-aalok sa mga ito ng kapangyarihan kapalit ang pagbaliktad sa kanilang paninindigan.
“Walang binatbat ang mga teoryang inyong natutunan sa mga realidad na kakaharapin ninyo paglabas ng akademiya. Susuhulan kayo ng limpak-limpak na salapi upang tapatan ang inyong karangalan. Aalukin kayo ng sangkaterbang kapangyarihan upang baliktarin ang inyong paninindigan sa ganitong mga tukso,” pahayag ng Pangulo sa kaniyang talumpati sa Camp Castaneda, Silang, Cavite.
Umaasa ang Pangulo na hindi magpapatalo sa tukso at mananatiling tapat ang mga bagong graduate ng PNPA.
TIniyak din ng Pangulo na patuloy ang ginagawang paghahanap ng paraan ng pamahalaan para madagdagan pa ang benepisyong natatanggap ng mga kapulisan. Bahagi umano nang pagpapabuti sa kalagayan ng mga pulis, jailguards at bumbero ang pagsusuri sa procurement process ng Armed Forces of the Philippines at maging ng PNP.
Sinabi pa ng Pangulo na tapos na ang panahon kung saan tinatawag na “kawawang cowboy” ang mga pulis na walang sapat na kagamitan.
Tiniyak din ng Pangulo na mataas pa rin ang tingin niya sa mga pulis at maituturing pa ring bayani ang mga ito ng mga pamilyang kaniyang natutulungan.
- Latest
- Trending