Krisis sa Yemen itinaas sa alert level 2
MANILA, Philippines - Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 2 ang kasalukuyang sitwasyon sa Yemen matapos ang walang puknat na kilos-protesta ng mga anti-government troops na humihiling na bumaba sa puwesto si Yemen President Ali Abdulaah Saleh.
Sinabi ni Foreign Affairs Usec. Rafael Seguis, sa alert level 2, ang may 2,000 Pinoy sa Yemen ay pinapayuhang mag-ingat sa kanilang mga galaw habang ang pamahalaan ay patuloy na imomonitor ang sitwasyon sa nasabing bansa.
Nakahanda na rin ang Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na siyang nakakasakop ng Yemen sa contingency measures nito kabilang na ang paghahanda sa mga pagkain, emergency supplies at relokasyon para sa may 2,000 Pinoy para sa dalawang linggo.
Sinabi ni Seguis na kapag lumala pa ang sitwasyon sa Yemen ay isasagawa na ang voluntary repatriation para sa alert level 3 gaya ng ginagawa sa Libya.
- Latest
- Trending