Mrs. Ligot na-high blood
MANILA, Philippines - Bagaman at nagpakita na kahapon sa Senate Blue Ribbon Committee si Erlinda Ligot, ang asawa ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller Lt. Gen. Jacinto Ligot, hindi naman ito nagisa ng mga senador matapos maging emosyonal at tumaas ang blood pressure sa 180 over 120.
Isasalang na sana sa pagtatanong si Mrs. Ligot pero hindi na ito halos nakapagsalita dahil sa pag-iyak kaya napilitan ang komite na pansamantalang isuspinde ang hearing upang patingnan sa doktor ng Senado ang blood pressure nito.
Matapos makumpirma na 180/120 ang blood pressure ni Mrs. Ligot ay dinala na ito sa clinic ng Senado kung saan nanatili siya doon hanggang matapos ang pagdinig.
Inaakusahan si Mrs. Ligot na may 10 bahay umano sa Amerika at nakapagbiyahe ng nasa 42 na beses habang nakaupo pang comptroller ng AFP ang asawa niya.
Mrs. Ligot nagbenta ng bahay sa sarili
Nabunyag din sa Blue Ribbon committee ang ginawang pagbebenta ni Erlinda ng isang bahay sa Buena Park, California sa kaniya mismong sarili.
Sinabi ni Sen. Jinggoy Estrada na isang “unmarried” Erlinda Y. Ligot ang nakabili ng bahay noong Hunyo 8, 2004 sa isang Laura R. Furdui sa Buena Park, California at ibinenta niya ito sa isang “unmarried” na Erlinda Yambao noong Nob. 1, 2004.
Lumalabas umano na iisang tao lamang sina Erlinda Ligot at Erlinda Yambao. Ang nasabing bahay ay ibinenta umano ni Erlinda sa mag-asawang Elenita Destura at Juanito Destura Jr. noong Nob. 23, 2004.
Isa pang bahay na nasa Anaheim, California ang ibinenta ni Erlinda Yambao sa isang Ju Eun Lee sa hindi mabatid na halaga noong Enero 4, 2005.
Hindi ako dummy - Yambao
Iitinanggi rin ni Edgardo Yambao ang akusasyon sa kaniya na nakaipon siya ng nasa P300 milyon sa bangko at naging dummy ng bayaw na si Ligot.
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, hindi umano idineklara ni Yambao ang nasabing pera kaya dapat itong habulin ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Nauna ng ibinunyag sa hearing ng komite na nakabili si Yambao ng isang condo unit mula sa mag-asawang Ligot noong 2003 na nagkakahalaga ng P25 milyon.
Bagaman at hindi itinanggi ni Yambao na nagkaroon siya ng iba’t ibang account sa bangko, hindi naman umano siya nagkaroon ng depositong aabot sa P255 milyon.
- Latest
- Trending