Kongreso tiniyak kay PNoy na maipapasa ang priority bills
MANILA, Philippines - Siniguro nina House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Senate President Juan Ponce Enrile kay Pangulong Benigno Aquino III na sa loob ng Mayo at Hunyo ng taong ito ay maipapasa nila ang kalahati sa 23 priority bills ng Malacañang.
Sinabi ni Speaker Belmonte at Sen. Enrile, naging matagumpay ang kauna-unahang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting na ipinatawag ng Pangulo.
Ayon kay Enrile, ito ang pinakamatagumpay na LEDAC meeting na kanyang nadaluhan dahil nakasentro ang mga priority bills ng Malacañang sa halos lahat ng aspeto ng gobyerno kabilang ang ekonomiya at seguridad ng bansa.
Naniniwala naman si Belmonte na maipapasa ng Kongreso nitong Mayo hanggang Hunyo ang kalahati sa nasabing mga priority measures lalo’t karamihan sa mga ito ay tinatalakay na sa Kongreso.
Nagpasalamat naman si Pangulong Aquino sa 2 Kapulungan ng Kongreso sa mainit na pagtanggap ng Kongreso sa priority measures ng Palasyo kasabay ang paniniyak na agad itong maipapasa.
Hindi naman kabilang sa priority measures ang Freedom of Information bill at ang kontrobersyal na Reproductive Health bill.
Pero ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, pinag-aaralan ng Palasyo na isama ang nasabing panukalang batas sa mga priority measures.
- Latest
- Trending