OFW patay sa Libya!
MANILA, Philippines - Minalas na masawi ang isang OFW matapos atakihin ng mga armadong militanteng Libyano ang kanilang project camp site habang kasagsagan ng sagupaan sa Benghazi City, Libya nitong nakalipas na linggo.
Sa natanggap na report ng Migrante Middle East mula sa kanilang miyembro na nakabase sa Benghazi, nakalagak na sa morgue ng Jalo Hospital sa Benghazi ang hindi pa nakikilalang Pinoy.
Ayon kay John Leonard Monterona, regional director ng Migrante ME, nakatanggap siya ng tawag dakong ala-1:47 ng hapon noong Pebrero 25 hinggil sa pagkamatay ng isang OFW bunsod ng walang puknat na engkuwentro at barilan ng mga protester at government troops sa Benghazi.
Inatake ng mga armadong lalaki ang camp site ng mga OFWs noong Pebrero 21. Sa takot ay tumakas umano ang nasabing Pinoy subalit sa kasamaang palad ay nahulog sa oil rig at posibleng tinamaan din ng bala.
Samantala ang kanyang mga kasamahang OFWs ay lumikas na rin sa kanilang camp site at kabilang sa mga bumiyahe patungo sa border ng Egypt.
Kinukumpirma na ng Department of Foreign Affairs nag nasabing ulat at ang pagkakakilanlan ng Pinoy.
Kahapon ay dumating na sa Tunisia si acting Secretary of Foreign Affairs Albert del Rosario matapos na tumulak noong Biyernes ng gabi kasama si Foreign Affairs Usec. Esteban Conejos Jr. upang personal na pangunahan at tutukan ang ginagawang paglilikas sa OFWs mula Libya.
Umaabot na sa 3,500 Pinoy ang nakalabas na ng Libya at nasa relocations sites sa border ng Egypt at Tunisia.
Bukod sa DFA hotline na 834-4580, 834-3245, 834-3240, at 834-4646, inilunsad na rin kahapon ng DFA ang 24-oras na “Libreng Tawag” sa pakikipagtulungan ng Smart Communications kung saan maaaring tumawag ang mga pamilya ng mga Pinoy sa kanilang kaanak sa Libya.
- Latest
- Trending