MANILA, Philippines - Sa gitna ng kinakaharap ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines, nangako kahapon si Pangulong Aquino na magpapatayo ang gobyerno ng hindi bababa sa 20,000 bahay para sa mga miyembro ng AFP at Philippine National Police.
Aminado ang Pangulo na nakakakonsensiya na walang sariling tahanan ang mga tapat na pulis at militar na nagsisilbi sa gobyerno dahil maliit lamang ang kanilang tinatanggap na sahod.
Si Pangulong Aquino ang nanguna sa selebrasyon ng alumni homecoming ng Philippine Military Academy kahapon. Nangako rin ang Pangulo na ngayong taon uumpisahan ang pag-aayos sa kakulangan ng pabahay ng PNP at AFP.
Puspusan umano ngayon ang gagawing paglilinis sa hanay ng kapulisan at militar upang magamit sa pagpapagawa ng bahay ang perang kinukulimbat lamang ng ilang tiwaling opisyal.
Matatandaan na nabunyag ang ‘pabaon’ at ‘pasalubong’ sa mga nagiging chief of staff ng AFP na nagbunsod upang mag-suicide si dating AFP chief of staff Angelo Reyes.
Nabunyag naman sa pagdinig sa Senado kamakalawa na nasa P740 milyon ang nalikom ni dating AFP comptroller Jacinto Ligot sa loob lamang ng apat na taon.