'Sindikato sa drug mules' tugisin - Migrante
MANILA, Philippines - Nararapat lamang paigtingin pa ng pamahalaan ang pagtugis sa malalaking sindikato ng ipinagbabawal na gamot na gumagamit sa mga overseas Filipino workers bilang drug mules.
Ito ang iginiit ng pandaigdigang alyansa ng mga OFW na Migrante International kasabay ng pagbatikos sa diumano’y matamlay na pagtindig ng Department of Foreign Affairs hinggil sa negosasyon sa buhay ng tatlong Pilipino na nakatakdang parusahan ng kamatayan ng pamahalaan ng Tsina dahil sa drug trafficking.
“Sa tono na ngayon ng DFA, parang sila na mismo ang nagsesentensiya sa ating mga kababayan. Sumuko na ba ang ating pamahalaan? Dapat pagsikapan ito dahil biktima rin ang mga drug mules,” ayon kay Migrante International secretary-general Gina Esguerra.
Anya, ang mga drug mule ay maaaring biktima ng mga sindikato o kahirapan at kawalan ng pag-asa.
Noon pa umanong nakaraang taon pumutok ang balita na maraming Pilipino ang nahaharap sa parusang kamatayan sa Tsina dahil sa drug trafficking. Ang naging tugon naman ni DFA Undersecretary Esteban Conejos ay pagbibigay ng payo sa naturang mga OFW na magpakabuti sa loob ng kulungan para makakuha ng pardon.
Sinabi pa ni Esguerra na mismong si dating Philippine Drug Enforcement Agency Chief Dionisio Santiago ang umamin na karamihan ng drug mules na ginagamit ng mga sindikato ay mga OFW na naghihirap o biktima ng illegal recruitment at human trafficking.
- Latest
- Trending