Constitutional experts pabor sa Cha-cha
MANILA, Philippines – Pabor ang halos lahat ng constitutional expert na dumalo kahapon sa ‘inagural hearing’ ng Senate Committee on Constitutional Amendments Revision of Codes and Laws na amiyendahan na ang 1987 Constitution.
Sa pananaw nina dating Chief Justice Renato Puno, dating SC justices Florentino Feliciano, Vicente Mendoza, Adolfo Azcuna, UP President Jose Abueva, UP law dean Merlin Magallona, at maging si Sen. Miriam Defensor Santiago, chairman ng komite, ngayon ang tamang panahon para amiyendahan ang Konstitusyon lalo pa’t bago pa lamang ang gobyerno na pinamumunuan ng Presidente na may mataas na trust rating.
Ipinunto rin ni Puno na dahil sa kasalukuyang bicameral system na gobyerno nagkakaroon ng deadlock ang dalawang kapulungan ng Kongreso at masyado ring magastos ang kasalukuyang sistema kung saan magkahiwalay pa ang opisina ng Senado at ng House of Representatives.
Ayon kay Mendoza, dapat nang ayusin ang justice system sa bansa na madalas nababahiran ng isyu sa pulitika.
Pabor si Abueva na maging parliamentary na ang porma ng gobyerno at palitan na ang tradisyunal na presidential government.
Naniniwala naman si Santiago na kung matutuloy ang charter change, maaaring ihalal ang mga delegado ng constitutional convention (Con-Con) sa 2013 at puwedeng gawin ang plebisito 2016 elections.
- Latest
- Trending