MANILA, Philippines – Nakatakdang hatulan ngayong araw si Ilocos Sur Rep. Ronald Singson kaugnay sa kanyang kasong drug trafficking sa Hong Kong.
Tinataya ng mga legal experts sa Hong Kong na posibleng hanggang tatlong taong pagkabilanggo ang ipapataw na hatol kay Singson.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig kahapon, iniharap ng prosekusyon ang kanilang isang testigo na kokontra sa depensa ng kampo ni Singson.
Iginigiit ng prosekusyon na hindi sila kumbinsido na pang-personal na gamit lamang ni Singson ang droga na nakuha sa kanya dahil mataas ito para sa dalawang araw na pananatli nito sa Macau na kanyang destinasyon kumpara sa sinasabi ng kongresista na kumukunsumo siya ng may 3-4 gramong cocaine kada araw.
Magugunita na ikinulong at kinasuhan si Singson ng drug trafficking ng HK Dangerous Drug Ordinance matapos makuha sa kanya ang 26.1 gramo ng cocaine at dalawang tableta ng diazepam o Valium noong Hulyo 11, 2010 habang papasok sa Chek Lap Kok International Airport.