3M batang Pinoy 'lampayatot', 2M malabo mata
MANILA, Philippines – Tatlong milyong bata sa bansa ang ‘lampayatot’ (lampa at payat) o malnourished habang dalawang milyon ang malalabo ang kanilang mata.
Ito ang nabatid kahapon mula sa isinagawang survey ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) sa mga batang hindi pa nag-aaral na may edad anim na buwan hanggang limang taong gulang.
Ginawa ng FNRI ang survey at pag-aaral upang mabatid ng mga kinauukulang opisyal ng gobyerno para makagawa ng kagyat na programa at aksiyon na magbibigay solusyon sa nasabing problema.
Lumilitaw din sa pag-aaral ng FNRI na dalawa sa bawat 10 batang Pinoy ay hindi nabibigyan ng sapat na enerhiya na dapat ay makuha o maibigay na “food consumption” sa isang bata.
Pinayuhan din ng FNRI ang magulang ng mga bata na bantayan at salaing mabuti ang ibinibigay na pagkain sa kanilang mga anak upang hindi lumaking lampa, payat at malabo ang paningin.
Anang FNRI, kapag kulang sa sustansiya at bitamina ang kinakain ng isang bata ay magiging mahina ang “immune system” nito kaya madaling kapitan ng karamdaman.
Inirerekomenda ng FNRI sa mga magulang ang pagbibigay ng balanse at tamang pagkain para maging “bibo” ang isang bata, tulad ng regular na pagpapainom ng gatas, pagkain ng isda, gulay, prutas, karne, mais, at root crops o lamang-ugat.
- Latest
- Trending