MANILA, Philippines - Inalis na ng Department of Health (DOH) ang pinapairal na total ban laban sa mga gatas at milk products na gawa sa bansang China.
Nakapaskil ang memorandum order ni Health Secretary Enrique Ona sa website ng Food and Drug Administration (FDA) na nagsasabing inalis ang total ban sa mga gatas mula sa nasabing bansa matapos tiyakin ng mga importers na ang tanging aangkatin nilang gatas mula sa bansang China ay melamine-free.
Gayunman, ang mga ni-repack na milk products na walang nakalagay kung saan nagmula, walang seal of approval mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at FDA ay hindi pa rin papayagang makapasok sa bansa.
Kabilang din sa tatanggalan ng total ban ang mga dating naitala at napatunayang may sangkap na melamine subalit kailangang magsumite muna ng FDA documents na magpapatibay na melamine-free na ang kanilang produkto sa ngayon.
Nagpatupad ng total ban ang Pilipinas noong Setyembre 2008 laban sa mga milk at milk products na gawa sa China kasunod nang melamine scare, kung saan 50,000 sanggol sa naturang bansa ang naospital dahil sa pag-inom ng gatas na kontaminado ng melamine.
Ang melamine ay isang uri ng substance na idinadagdag sa gatas upang pataasin ang antas ng protinang taglay nito, ngunit maaari namang maging sanhi ng sakit sa bato.