MANILA, Philippines - Tatalupan ng Philippine National Police (PNP) ang mga sinasabing maiimpluwensyang protektor na nasa likod ng mahabang panahong pamamayagpag ng Dominguez carjacking syndicates na pinamumunuan ng mag-utol na Raymond at Roger.
Sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na hindi tatagal ang iligal na aktibidades ng Dominguez carjacking gang kung walang mga ahensya ng pamahalaan at mga tiwaling mga opisyal na nagbibigay proteksyon sa mistulang ‘untouchables’ na grupo.
Isa sa hinihinalang kasabwat ng Dominguez gang ay taga- Land Transportation Office (LTO).
Ang grupo ay may 31 kasong kriminal kabilang ang falsification of public documents, illegal possession of firearms at 19 kaso ng carjacking kung saan nakakapagpiyansa ang mga ito.
Sa kabuuang 28 plaka ng sasakyan na narekober sa hideout ng mga Dominguez sa Pampanga ay 24 na ang naberipika ng Highway Patrol Group.
Samantala, inihayag rin ni Special Investigation Task Group (SITG) Head P/Chief Supt Benito Estipona na hindi nag-match sa pagsusuri ng Firearms and Explosives Division (FED) ang mga bala ng 9mm pistol na ginamit sa pagpatay sa mga car dealers na sina Venson Evangelista at Emerson Lozano gayundin sa kasama ng huli na si Ernani Sensil.
Aminado ang opisyal na ‘back to zero’ ngayon ang kanilang isinasagawang pag-iimbestiga at patuloy pa ang kanilang paghahanap sa mga bala ng armas na posibleng ginamit sa karumal-dumal na krimen.