Raymond Dominguez sumuko!
MANILA, Philippines - Sumuko sa pulisya ang isa sa dalawang magkapatid na Dominguez matapos na isangkot sa brutal na pagdukot at pagpatay sa car dealer na si Venson Evangelista sa lungsod Quezon.
Ayon sa ulat na nakarating sa Camp Crame, si Raymond Dominguez ay boluntaryo umanong dumulog kay Insp. Dario Minor, chief ng Intelligence Unit sa Camp Alejo Santos, Malolos, Bulacan, ganap na alas-10 kamakalawa ng gabi.
Kasama ni Dominguez ang kanyang nanay na si Betty at abogadong si Joey Cruz, na nagsabing hindi sumuko ang una kundi para mag-voluntary custody at malinis ang kanyang pangalan.
Ayon naman kay Supt. Benigno Estipona, deputy chief for Operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hindi pa nila maaring ikulong si Dominguez dahil wala pang naipapalabas na arrest warrant laban sa kanya.
Nabatid kay Quezon City Police District Chief Supt. Benjardi Mantele, kahit hindi pa hawak ng awtoridad si Dominguez ay kinokonsidera na nilang “solve” ang kaso ng pagdukot at pagpatay kay Evangelista base sa mga ebidensyang nakuha ng binuong task force na mag-uugnay sa Dominguez brothers at sa salaysay ng dalawang naarestong sina Allan Mendiola at isang Batibot Parulan na tumukoy sa iba pang miyembro na sangkot sa naturang pagpatay kay Evangelista.
Kamakalawa ng gabi isinalang na rin sa inquest proceedings sina Mendiola at Batibot sa QC prosecutor’s office na kinasuhan ng kidnapping, murder, at carnapping. Kasama sa kinasuhan ang magkapatid na Dominguez at dalawa pang “John Does”.
Samantala, nilinaw pa ni Mantele na hindi pa nila kinokonsidera na kabilang din si Dominguez sa kaso naman ng pagpatay kay Emerson Lozano, anak ni Atty. Oliver Lozano, dahil anya wala pa silang kongkretong basehan para dito.
Ito anya ay sa kabila ng may pagkakahalintulad ng uri ng pagpatay sa dalawa, at ang pangyayari o lugar kung san sila kapwa natagpuang patay at sunog ang mga katawan.
Nauna rito, Biyernes ng gabi nang salakayin ng Special Investigation Task Group (SITG) ang apartment sa Greenville subd. sa Bgy. San Jose kung saan tatlong baril, bala, isang sets ng hand-held radio, at baterya, 22 plaka ng sasakyan at metal plates ang nasamsam.
Sina Raymond at Roger ay may 19 na kasong carnapping at murder sa iba’t ibang sangay ng hukuman sa Malolos City subalit pansamantalang nakakalaya dahil sa piyansa. (May ulat ni Boy Cruz)
- Latest
- Trending