MANILA, Philippines - Umaabot na sa P 431.8 M ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura kaugnay ng patuloy na pagbuhos ng malalakas na ulan dulot ng ‘tail end of a cold front ‘ na tumama sa walong rehiyon sa bansa.
Ito ang nabatid base sa ipinalabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kahapon.
Sa tala ng NDRRMC, kabilang sa pinsala ay P108,821,313.19 sa agrikultura kung saan sa Region V partikular na sa Albay at Sorsogon ay nasa P17,408,350; Region VIII na sumasakop sa Southern Leyte, Northern Leyte, Eastern Samar at Leyte ay P33,556,727; Region XI o Davao P2,138,000 at CARAGA P55,718,236.Ang pinsala sa imprastraktura ay nasa P323,023,153.23.
Samantalang umakyat na sa 39 katao ang nasawi sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.
Patuloy naman ang pamamahagi ng relief goods ng mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan sa mga apektado ng mga pagbaha at pagguho ng lupa.