Lasing na deboto bawal sa prusisyon ng Nazareno
MANILA, Philippines - Pinayuhan ng pamunuan ng Quiapo Church ang mga deboto na huwag uminom ng alak o maglasing kung nais ng mga itong sumama sa idaraos na prusisyon ng Itim na Nazareno sa Linggo, Enero 9.
Ayon kay Monsignor Jose Ignacio Clemente, dapat na respetuhin ng mga deboto ang pagdiriwang gayundin ang kanilang kapwa deboto, sa pamamagitan nang hindi pag-inom ng alak.
Kung hindi naman aniya “spiritually prepared” para sa pusisyon at pagdarasal ay mas makabubuti kung hindi na lamang magtutungo ang deboto sa Banal na Misa at huwag na ring dumalo sa prusisyon.
Pinayuhan pa ng rector ang mga deboto na huwag nang isama ang kanilang mga anak o may sakit na kaanak sa prusisyon upang maiiwas ang mga ito sa disgrasya.
Madalas na nagkakaroon ng aksidente dahil halos lahat ng libu-libong deboto ay nagnanais na makalapit at makahipo sa imahe ng Poong Nazareno.
Mas makabubuti aniya kung sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, na lamang dalhin ang kanilang mga anak para sa “pahalik” sa imahe.
Isang healing service naman sa Enero 8 ang gagawin sa Rizal Park na susundan ng overnight vigil.
Magdaraos rin ng isang misa sa umaga ng Enero 9, bago ang prusisyon para sa pagbabalik ng imahe ng itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Tinatayang 3,000 pulis ang ipakakalat ng Manila Police District (MPD) sa mga istratehikong lugar para tiyakin ang seguridad ng mga debotong makikiisa sa aktibidad.
- Latest
- Trending