PNP nabahala sa asal ng mga pulis
MANILA, Philippines - Sa harap na rin ng sunud-sunod na pang-aabusong kinasangkutan ng ilang mga pulis nitong nagdaang mga araw, palalakasin pa ng Philippine National Police (PNP) ang itinuturo sa elementarya na good manners & right conduct o tamang pag-uugali at kagandahang asal.
Sinabi ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo na sa kabila ng batik sa imahe na nililikha ng ilan sa mga miyembro ng PNP ay nangangailangang palakasin pa ang ‘Values Training‘ kung saan pangunahing pagtutuunan ng pansin ang kabutihang asal, pagiging magalang at disiplinadong mga pulis.
Aminado naman si Bacalzo na nakakalungkot isipin na sa kabila ng mga pagsusumikap ng PNP na maiangat ang kanilang imahe ay may mga lumilitaw pa ring “bad eggs”.
Sa kabila nito, kumambyo naman si Bacalzo na bagaman may mangilan-ngilan na nasasangkot sa pang-aabuso at pagsira sa disiplina ay higit na marami pa ring mga pulis ang gumagawa ng kabutihan.
Kabilang dito ang kaso ng umano’y panghahalay ni PO3 Antonio Bautista Jr. ng Manila Police District (MPD) Intelligence Section sa isa sa tatlong babae na inaresto sa kasong bagansiya kung saan nagreklamo ang ginang na kinuha pa ang P4,000 cash matapos na siya’y halayin noong Disyembre 31.
Sinabi naman ni NAPOLCM Vice Chairman Eduardo Escueta na nangangailangan pa ring magkaroon ng pagrepaso sa recruitment at training program para sa mga aspiranteng maging mga pulis upang ganap na masala ang mga ito bago makapasok sa PNP.
- Latest
- Trending