"Rizal Park New Year Countdown to 2011"
MANILA, Philippines - Inanyayahan kahapon ng pamunuan ng National Parks Development Committee (NPDC) ang publiko na makisaya, makisayaw at maki-awit sa “Rizal Park New Year Countdown to 2011” na gagawin sa Rizal Park Musical Dancing Fountain upang salubungin ang Bagong-Taon.
Ayon kay NPDC Executive Director Juliet Villegas, ang naturang event ay inihanda ng Department of Tourism-National Capital Region (DOT-NCR) at NPDC upang bigyan kasiyahan ang mamamayan Pilipino.
Bahagi ng nasabing event ay ang free concert show tampok si Lady Valerie and Orchestra, magdamagang “Dance Party” para sa mga kabataan at ang makulay na Fire Works Display.
Bukod kay Villegas, pangungunahan rin ni Tourism Secretary Alberto Lim ang “Rizal Park New Year Countdown to 2011” na magsisimula sa ganap na alas-9 ng gabi sa December 31, 2010 habang ang Radio DJ at TV Reporter na si Leila Chikadora naman ang siyang magsisilbing event host.
Layon rin umano ng nasabing event na hikayatin ang mamamayang Pilipino na iwasan ang paggamit ng anumang uri ng paputok na siyang nagiging sanhi ng maraming kaso ng disgrasya tuwing sasalubungin ang bagong-taon.
“Instead na magpaputok at makadisgrasya, ay hilahin at anyayahan natin ang buong pamilya na makisaya, makisayaw, makikanta at mag-ingay sa pamamagitan ng inyong mga torotot sa ating inihandang “Rizal Park New Year Countdown to 2011” na gagawin sa December 31, sa ganap na alas-9 ng gabi sa Rizal Park Central Lagoon kung saan makikita ang ating Rizal Park Musical Dancing Fountain. Libre po ito at tiyak na inyong kagigiliwan,” pahayag ni Villegas.
Samantala, hinikayat naman ni Villegas ang mga bibisita na magdala ng kani-kanilang mga plastic bag upang magamit na basurahan matapos na humakot ng may halos 2 toneladang basura matapos ang Christmas celebration.
- Latest
- Trending