MANILA, Philippines - Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi pa rin epektibo ang “number coding scheme” sa Kamaynilaan dahil sa nananatiling “holiday” pa rin ito matapos na ideklara ng Malacañang.
“In line with proclamation no. 1841 series of 2009, the Number Coding scheme (UVVRP) shall be lifted on Dec. 24 (Friday), Dec. 27 (Monday) and Dec. 31 (Friday), due to said days being Non-Working Holidays,” ayon sa advisory ng MMDA.
Patuloy naman si MMDA Chairman Francis Tolentino sa pagpapaalala sa mga motorista lalo na iyong galing sa mga kasayahan at party hanggang ngayong selebrasyon naman ng pagpasok ng Bagong Taon na huwag uminom ng alak kung magmamaneho pauwi upang makaiwas sa aksidente.
Nangako rin naman ito na makikipagdayalogo sa mga sidewalk vendors upang maresolba ang matinding problema sa trapiko partikular na sa mga bisinidad ng Divisoria sa Maynila at Baclaran sa Parañaque City makaraang mistulang bigyan ng “go signal” ng lokal na pamahalaan ang mga ito na okupahan maging ang gitna ng mga kalsada.
Simula Enero 3, magiging puspusan na umano at istrikto ang gagawin nilang “clearing operations” sa mga iligal na vendors na mistulang nagmamay-ari ng mga kalye.