MANILA, Philippines – Bumaba ng 39.7 % sa unang 11 buwan ng taong 2010 ang kriminalidad sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas, ayon sa Philippine National Police.
Sinabi ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo na ang pagbaba ng kriminalidad ay bunsod ng pagsusumikap ng kapulisan na mapagbuti pa ang serbisyo publiko.
Sa tala ng PNP, mula sa dating rekord na 459,130 insidente ng mga kriminalidad noong nakalipas na taon ay napababa na ito sa 276,872 insidente mula Enero hanggang Nobyembre ng taong ito.
Kasabay naman ng nalalapit na pagtatapos ng taong 2010, pinasalamatan ni Bacalzo ang 137,000 malakas na puwersa ng PNP na tinukoy rin ang kanilang kapabilidad sa logistics, karagdagang pagsasanay, pagpapaigting ng kampanya kontra kriminalidad at karagdagang mga benepisyo.
Ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III ay pilit na ibinabangon ang bumagsak na imahe bunga ng palpak na rescue operations sa Manila hostage crisis na ikinasawi ng walong Hong Kong tourist at ng hostage taker na si dating Sr. Inspector Rolando Mendoza noong Agosto 23.
Sinabi naman ni Bacalzo na natuto na sa mga karanasan ang PNP kung saan itutuwid ang kanilang pagkakamali at pupunan ang pagkukulang.
Ayon kay Bacalzo, bilang pangunahing hakbang ay nagtatag ang PNP ng Quality Service Lane Project bilang bahagi ng Model Police Station Project na ang pilot test ay inumpisahan sa Metro Manila at saka inimplementa sa lahat ng mga himpilan ng pulisya sa buong bansa.