MANILA, Philippines - Dapat umanong buwagin na ang Truth Commission dahilan inutil ito sa kawalang kapangyarihang umusig at magparusa laban sa mga tiwali sa pamahalaan.
Ito ang ginawang pagbatikos kahapon ng ‘whistle-blowers group’ sa pangunguna ni Sandra Cam na nanawagan sa Kongreso na magpasa ng batas na lilikha sa isang komisyong may kakayahang magpairal ng pangil ng batas na uusig at magpapakulong sa mga lider ng gobyerno na gumagawa ng matitinding katiwalian at pang-aabuso sa karapatang pantao sa ilalim ng kanilang panunungkulan.
“Sa halip na yang Truth Commission na nilikha sa pamamagitan ng Executive Order No. 1 ni Pangulong Benigno Aquino III ay dapat na isang totoong Truth Commission ang likhain na tunay na tutugon sa panawagan ng tao na usigin at parusahan ang mga opisyal na nagkasala sa panahon ng kanilang panunungkulan,” giit pa nito.
Ayon sa spokesperson ng Whistleblowers Group, wala silang tiwala sa Truth Commission na pinangunahan ni dating Supreme Court Justice Hilario Davide sapagkat kaduda-duda umano ang pagkatao ng dating mahistrado dahil nakinabang ito noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Idinagdag nito na sayang lang ang pera, panahon at resources ng gobyerno sa Davide Truth Commission kaya dapat lang itong mabuwag na.