Sa bakbakan ng North at South Korea: Pinoy evacuation ikinasa
MANILA, Philippines – Inihahanda na ng pamahalaan ang paglilikas sa may 60,000 Pinoy na naiipit ngayon sa bakbakan sa pagitan ng South Korea at North Korea.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos Jr, nagsasagawa na sila ng contingency at safety measures sakaling magpatuloy at sumiklab pa ang digmaan sa pagitan ng Nokor at Sokor.
Sinabi ni Conejos na nakaalerto ang Embahada ng Pilipinas sa Seoul upang imonitor ang kalagayan ng mga Pinoy kasunod na rin sa kautusan ni Pangulong Aquino na tiyakin na nasa ligtas na kalagayan ang mga Pinoy sa South Korea.
“Presently we are working and ensuring safety of our citizens in Korea,” giit ng Pangulo.
Aniya, kasalukuyang nagpupulong sila at tinitimbang ang pangyayari sa Korea bago maglabas ang gobyerno ng posisyon nito.
Ayon naman kay Ed Malaya, tagapagsalita ng DFA, na hindi pa sila magpapalabas ng travel advisory para sa mga Pinoy travelers na tutungo sa South Korea sa kabila ng nasabing tensyon sa Sokor at Nokor dahil naniniwala silang maaaring humupa ang tensyon.
Tiniyak pa ni Malaya na walang Pinoy ang nadamay sa pag-atake dahil ang Yeonpyeong Island ay halos okupado ng military.
Kasabay nito, pinapayuhan nila ang mga Pinoy na mag-ingat upang hindi madamay sa mga kaguluhan sa pagitan ng dalawang bansa.
Nitong Martes ay pinaulanan ng 100 shells ng nuclear missile ng Nokor ang border Island ng Yeonpyeong kung saan 80 missiles ang tumama na ikinasawi ng dalawang South Korean Marines, 15 pang sundalo nito ang nasugatan, lima rito ay kritikal habang tatlo pang sibilyan ang sugatan rin sa insidente. Kahapon ay dalawa pang sibilyan ang iniulat na nasawi.
Samantala, nakahanda ang AFP na magpadala ng peacekeeping force sa South Korea sakaling hilingin ito ng United Nations at basbasan ni Pangulong Aquino.
Ayon kay AFP Chief Gen. Ricardo David, wala namang dapat ikabahala ang mamamayan dahil hindi aabot sa Pilipinas ang artillery ng North Korea.
Sa kabila ng pagpapakawala ng artillery fire ng Nokor ay hindi naman naalarma ang mga mamamayan ng Korea lalo na ang mga negosyante sa Seoul.
Sa panayam ng PSN kay Kim Hyo Kyung, marketing director ng MCTT Core na nakabase sa Seoul, South Korea, hindi sila inalerto ng kanilang pamahalaan sa nangyari at tuloy ang kanilang negosyo. Aniya, para sa kanila isang “common” o pangkaraniwan ang nangyari at hindi sila apektado sa pambobomba ng Nokor.
Naniniwala pa ang mga Korean businessmen na ‘di magtatagal ay babagsak ang Nokor dahil umano sa naghihirap na ang bansa na nakaambang bumagsak.
- Latest
- Trending