Ulo ni Ping pepresyuhan na!
MANILA, Philippines - Posibleng presyuhan na ang ulo ni dating Senador Panfilo Lacson upang mapabilis ang pagdakip dito.
Sinabi ng abogado ni dating Senior Superintendent Cezar Mancao na si Atty. Ferdinand Topacio, dapat na umanong magbigay ng pabuya o reward ang DOJ upang makatulong ang publiko sa paghahanap sa Senador at agad itong maaresto.
Ang DOJ na rin umano ang dapat na magtakda ng halaga ng reward money at sakaling mahuli na si Lacson ay dapat itong ilagay sa special holding cell bilang pagrespeto dito bilang dating director general ng Philippine National Police (PNP).
Sabi ni Topacio, nagdurusa na rin ang kanyang kliyente na si Mancao dahil kasalukuyan itong walang trabaho at binibigyan lamang ito ng pera ng kanyang asawa na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Hinikayat din ng abogado si Justice Secretary Leila de Lima na gawing testigo o muling sampahan ng kaso si dating Senior Supt. Glenn Dumlao kaugnay pa rin sa Dacer-corbito double murder case.
Naniniwala si Topacio na nagsisinungaling si Dumlao sa kanyang affidavit ng kontrahin nito ang pahayag ni Mancao tungkol sa nasabing kaso at gusto rin nitong linisin si Lacson sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba kahit na hindi naman akusado sa kaso.
Bukod dito isinangkot ni Dumlao sa kanyang affidavit sa DOJ si P/Supt.Michael Ray Aquino na umano’y nag-utos sa kanya para i-surveillance si Dacer kasabay ng pag-amin na nandoon siya pagkatapos na dukutin sina Dacer at Corbito at maging sa ginawang tactical interrogation sa dalawa.
Inamin din nito ang pagsunog sa mga ebidensiya sa isinagawang krimen.
Sanhi nito, sinabi ni Topacio na hindi dapat maging state witness si Dumlao sa halip dapat itong makasama sa mga akusado.
- Latest
- Trending