MANILA, Philippines - Sa kabila ng ginawang direktiba ni Manila Mayor Alfredo Lim na ipatapon ang mga ‘kotong cops’ na protector daw ng mga illegal vendors sa Divisoria, ay patuloy pa rin ang mga ito sa pagkamal ng limpak-limpak na salapi.
Batay sa sumbong ng mga lehitimong vendors, isang pulis na may alyas Gaa ang nangongolekta umano ng P30,000 kada buwan. Mahigit sa 30 puwesto ang mga vendors sa kahabaan ng Juan Luna St. kaya umaabot sa P900,000 buwan-buwan ang koleksiyon nito.
Sa tapat naman ng Jagland Building at Villa Victoria Building, umaabot sa P70,000 ang bayad sa puwesto kada buwan at may 22 vendors ang nakatarima rito kaya umaabot sa P1.5 million ang ‘orbit’ ng dalawa pang police-scalawag na may alyas Molina at Caranto.
Sina Gaa, Molina at Caranto ay mga kilalang mga malalapit na tauhan ni “Bulaklak” na dating siga ng Manila City Hall.
Isa pang pulis na may alyas Andaya naman ang responsable umano sa mga ‘hulidap’ ng mga illegal na paputok sa Divisoria, Manila. Bukod sa mga Divisoria vendors, illegal terminal naman ang raket ng isang police captain na si alyas Romy na kinakaladkad ang pangalan ni Supt. Zaldy Yap, hepe ng Manila Police Traffic Bureau.
Si Romy ay may koleksiyon ng 200 puwesto ng mga illegal vendors sa Divisoria, samantalang ito rin ang may latag ng illegal terminal sa Recto, Juan Luna at Sta. Cruz.
Sa MPD headquarters naman, sikat na sikat ang pangalan ng isang Michael dahil ito umano ang ‘bagman’ para sa mga illegal gambling nina Samson.
Bukod sa bookies ng karera ng kabayo, parang kabute na ring nagsulputan sa Maynila ang 200 video-karera ng mag-asawang Romy at Gina. Sa tulong ng pulis na si Michael, ang puwesto umano ng mag-asawa ay mga lugar na sakop ng MPD station 1, 2, 6, 7, 10 at 11.