MANILA, Philippines - Durog ang isang Pinoy driver matapos na bumangga ang kanyang minamanehong trailer truck sa Saudi Arabia.
Namatay noon din ang OFW na si Jose Bautista, 40-anyos, tubong Cavite matapos ang malagim na aksidente habang binabaybay nito ang kahabaan ng Tabuk-Doha highway noong Nobyembre 1.
Ang mga labi ni Bautista ay kasalukuyang nakagalak pa rin sa morgue sa Tabuk at wala umanong nagki-claim nito. Bagaman naipabatid na umano sa Assistance to Nationals (ANS) ang pagkasawi ng nasabing OFW ay wala pa ring aksyon ang Embahada.
Base sa rekord ng Department of Foreign Affairs, si Bautista ay may dalawang taon at dalawang buwan nang nagtatrabaho bilang truck driver sa SAPT Company sa Al Khobar matapos na ma-deploy ng PERT-CPM, ang kanyang agency sa Maynila.
Samantala sumulat na si John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East, kay Charges de Affaires Ezzadin Tago ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh upang maasikaso ang pagpapauwi sa mga labi ni Bautista.
Hiniling na rin ng Migrante sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maibigay ang kaukalang tulong at mga benepisyo para sa pamilya ng nasabing OFW.
Sa ilalim ng OWWA program para sa mga miyembrong OFWs, tatanggap ng P200,000 cash at P10,000 burial expenses ang naiwang pamilya ng nasawing OFW.