Magallanes flyover bumibigay
MANILA, Philippines - Dahil sa nadiskubreng lamat sa Magallanes flyover ay tuluyan nang isinara ng Makati City Government at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang southbound lane nito sa mga mabibigat na behikulo upang hindi na madagdagan ang pinsala.
Kahapon ay pansamantala ring pinahinto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paghuhukay sa gilid ng Magallanes flyover dahil sa posibilidad na bumigay ang pundasyon nito matapos magkaroon ng bitak malapit sa Bonifacio street corner Osmeña Highway.
Ipinagbabawal ang pagdaan dito ng mga behikulong may bigat na lagpas sa 4.5 tonelada. Maaari naman umanong dumaan ang mas magagaan na mga behikulo sa flyover dahil sa matatag pa rin umano ito upang suportahan ang naturang mga uri ng sasakyan.
Ayon sa MMDA, umaabot sa 2,000 trak kada araw ang dumaraan sa naturang flyover.
Ayon naman kay DWPH Undersecretary Romeo Momo, kinakailangang malagyan ng suporta ang pundasyon ng flyover upang masiguro ang kaligtasan ng mga motorista.
Paliwanag ni Momo, dapat na malagyan ng shoring o kalso ang safety beam na nagsisilbing pundasyon ng flyover upang maprotektahan ang wall nito upang masiguro na hindi mauuga ang pundasyon sa muling gagawing paghuhukay ng First Philippine Industry Corporation (FPIC) sa gilid ng Magallanes Interchange.
Idinagdag pa ni Momo na hindi pa man tuluyang naapektuhan ng paghuhukay ang Magallanes flyover at ang gagawing shoring ay bilang proteksyon lamang sa istraktura nito.
Sa sandaling matapos umano ang shoring o paglalagay ng kalso, muli umano itong iinspeksyunin ng DPWH at kapag walang nakitang problema ay maari nang muling ituloy ang paghuhukay. Ang paghuhukay sa pipeline ng FPIC ay dahil sa nadiskubreng tagas nito.
- Latest
- Trending