MANILA, Philippines - Matinding kalbaryo at pangtu-torture ang sinapit ng isang Pinay domestic helper sa kamay ng sadistang amo matapos umanong pasuin ng plantsa, pukpukin ng martilyo ang kamay at paliguin pa ng asido ang ulo sa loob ng limang buwang paglilingkod nito bago tuluyang makatakas sa Bahrain.
Sa report ng Embahada ng Pilipinas sa Bahrain sa Department of Foreign Affairs, ang OFW na hindi muna pinangalanan ay nagsampa na ng kaso laban sa kanyang amo at kasalukuyang nasa pangangalaga ng Embahada.
Sa salaysay ng Pinay, madalas siyang gulpihin at pagsisipain na parang isang hayop ng kanyang employer at hindi rin siya pinasahod ng limang buwan.
Sa limang buwang pananatili niya sa amo ay naranasan niyang saksakin siya ng tinidor sa kamay, plantsahin sa tuhod, martilyuhin sa daliri at paluin pa sa ulo ng amo. Naranasan rin niya na mabuhusan ng muriatic acid sa kanyang buhok sanhi upang masunog ang kanyang ulo.
Dahil sa sinapit, sinabi ng Pinay na naisip na niyang magpakamatay subalit dahil sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya sa Pilipinas kaya pinilit niyang makatakas.
Tinutulungan na ni Ambassador Ma. Corazon Yap-Bahjin ng Embahada ang nasabing OFW upang mabigyan ng abogado laban sa employer nito.