14 Pinoy dinukot ng pirata
MANILA, Philippines - May 14 tripulanteng Pinoy ang dinukot habang isa ang pinalaya ng mga pirata sa magkahiwalay na insidente ng hijacking sa karagatang sakop ng Africa at Somalia, ayon sa ulat na tinanggap ng Department of Foreign Affairs kahapon.
Sa report ng European Union Naval Force Somalia, ang Singapore-flagged LPG tanker ay hinayjack ng mga pirata habang naglalayag sa karagatan ng Africa noong Sabado at dinala na sa lugar ng pinamumugaran ng mga pirata sa Somalia.
Ang Greek-managed MV York na may sakay na 17 crew na kinabibilangan ng 14 Pinoy, isang German master at dalawang Ukrainians ay galing sa Kenya upang magdiskarga ng LPG cargo sa Shimanzi oil Terminal sa Mombasa ng masabat habang patungo sa Seychelles. Dinala na ang barko sa Garad, ang kuta ng mga pirata sa central Somalia.
Ayon sa Foreign Affairs Sopkesman Ed Malaya, nakikipag-ugnayan na ang Embahada ng Pilipinas sa Singapore at Nairobi sa ship principal ng mga dinukot na Pinoy upang mapabilis ang negosasyon at pagpapalaya sa mga bihag.
- Latest
- Trending