Batas vs 3rd, 4th termer barangay officials mahina
MANILA, Philippines – Aminado ang Commission on Elections na mahina ang batas laban sa mga barangay officials na tumatakbo sa kanilang ikatlo o ikaapat na termino.
Ayon kay Comelec-National Capital Region (NCR) Director Michael Dioneda, marami rin silang natatanggap na reklamo kabilang na ang tinatawag na “hakot registrants” kung saan kumukuha ng mga botante sa ibang lugar para iparehistro sa isang barangay para masiguro ang panalo.
Madali aniya itong nagagawa dahil kahit walang ID, maaari nang makapagparehistro ang mga botante basta mayroon itong kapitbahay na magpapatunay na naninirahan ito sa barangay.
Bukod pa ito sa mga barangay officials na nakapaghain ng kanilang certificate of candidacy (COC) kahit na nasa ikatlo o apat na termino na.
Tiniyak naman ni Dioneda na nakatakdang ipalabas ang resolusyon na magsasampa ng kasong kriminal sa mga barangay officials na sobra na sa termino kahit na manalo pa sila sa darating na eleksyon.
Pero, ang magagawa lamang aniya nila ay ipalabas ang pangalan ng mga kandidato na nasa ikatlo at ikaapat na termino upang hindi na ito iboto ng mga botante.
- Latest
- Trending