'Ping sumuko ka na' - Gringo
MANILA, Philippines - Matapos lumutang ang balita na balak magbigay ng reward ng Department of Justice sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, muling hinimok ni Senator Gringo Honasan ang kaniyang mistah sa Philippine Military Academy na lumantad na at harapin ang Dacer-Corbito double murder case.
Bilang kaibigan at kaklase, sinabi ni Honasan na napapanahon na upang lumantad si Lacson dahil naniniwala siyang magiging parehas ang korte at hustisya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Matatandaan na ipinahayag ni DOJ Secretary Leila de Lima na liliit ang mundo ni Lacson dahil sa plano nilang magtakda ng pabuya o reward para sa makakapagturo sa senador.
Balak din umano ng DOJ na magbuo ng isang task force na tutugis kay Lacson.
Nauna nang kinansela ng Department of Foreign Affairs ang pasaporte ni Lacson na halos siyam na buwan nang hindi nagpapakita sa Senado.
Noong hindi pa nagtatago si Lacson, inakusahan nito ang kampo ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ‘political harassment’ ang pagbuhay sa kasong double murder case dahil sa kaniyang mga expose sa gobyerno.
Inirerespeto naman ni Honasan ang desisyon ng DOJ na maglaan ng reward para sa mga impormate na magiging daan sa pagkaka-aresto ng senador.
Kumpiyansa si Honasan na hindi magbibigay ng iresponsableng pahayag si de Lima kung wala siyang sapat na impormasyon sa posibleng lugar na pinagtataguan ni Lacson.
Sinabi naman ni NBI spokesman Cecilio Zamora na tuloy-tuloy pa rin ang manhunt para kay Lacson at nasa proseso pa lamang ang ahensiya ng validation ng mga impormasyon sa kinaroroonan ng Senador.
Iginiit pa nito na wala pang malinaw na lead kung nandito nga sa bansa nagtatago si Lacson o kung ito ay nakalabas na.
Magugunita na nagpahayag si de Lima na nahihiya siya dahil sa kabila ng matagal ng effort ng gobyerno ay hindi pa rin naaresto si Lacson at hindi pa rin natutukoy ang kinaroroonan nito.
- Latest
- Trending