Bus binomba: 10 patay!
MANILA, Philippines - Sampu katao ang patay habang marami pa ang nasugatan kabilang ang apat na nasa kritikal na kondisyon makaraang sumabog ang itinanim na bomba sa isang pampasaherong bus sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Dalapitan, Ma talam, North Cotabato kahapon ng umaga.
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Chief Major Gen. Anthony Alcantara, walo ang dead on the spot sa insidente habang dalawa ang binawian ng buhay sa pagamutan.
Kinilala ang 8 sa nasawi na sina Romil Espanola, Brian Galacas, konduktor ng Rural Bus Transit na may body number 2284; Tanting Usop Dalidan, Lita Mansano, 59; Slornie Belong, Camino Abson, Adam Guimid, Guaria Duad at dalawang hindi pa kilala.
Kritikal sina Norleilah Akmad, 21; Julius Pasigua; isang di kilalang babae na nakasuot ng kulay itim na t-shirt; Lita Mansano, 59.
Sugatan din sina Jovencio Estrada,37; Rosel Fajardo, 26; Flornie Prescion, Von Wilfred, Aneg Mosquera, 16; Christian Alabado, 19.
Ayon sa report, alas-10:30 ng umaga ng maganap ang insidente. Ang bus na tinatayang may lulang mahigit 30 katao ay patungong Tacurong City, Sultan Kudarat galing sa Cagayan de Oro City.
Sumakay umano sa Kabacan ang tatlong hinihinalang bombers at nagsibaba pagsapit sa national highway. Ilang saglit pa ay isang malakas na pagsabog ang umalingawngaw.
Lumilitaw sa imbestigasyon na ang bomba ay inilagay sa ikatlong upuan sa hulihang bahagi ng naturang bus.
Wala pang natutukoy na suspek habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Ang Alkhobar at Abu Sofia ang mga umano’y grupo na kilalang nasangkot sa mga insidente ng pambobomba sa mga pampasaherong bus sa Central Mindanao partikular noong 2006 at 2007.
- Latest
- Trending