Trabaho hindi 'dole-out' sa 2.3M mahihirap
MANILA, Philippines - Dapat munang pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang Conditional Cash Transfer (CCT) o pamimigay ng P21 bilyon sa may 2.3 milyong mahihirap sa bansa.
Ayon kay Kalookan Bishop Deogracias Iniguez, hindi umano maaaring basta na lamang mamahagi ang gobyerno ng pera sa mga mahihirap dahil ang “dole-out“ ay inilalaan para sa mga emergency cases.
Naniniwala ag obispo na mababawasan ang underemployment at maiibsan ang nararanasang hirap ng 2.3 milyong “poorest of the poor” kung trabaho ang ibibigay sa kanila ng gobyerno sa halip na “doleout” o short term solution sa kanilang problema.
Mas magkakaroon din ng dignidad ang isang mahirap kung kanilang pinaghihirapan at pinagpapawisan ang perang ipapakain at ibubuhay nila sa pamilya.
Dapat anyang pagtrabahuhan ng isang pamilya ang ibibigay na P1,400 kada buwan na C-C-T ng pamahalaan para sila ay matuto at maging responsableng mamamayan.
“Maaari namang gawing street sweepers, palinisin ng mga baradong kanal,estero,ilog at kapaligiran ang mga benepisaryo ng Conditional Cash Transfer”, dagdag pa niya.
Maging ang Bibliya anya ay nagsaad na ang “ayaw magtrabaho ay huwag pakakainin”.
Kondisyon umano ng CCT na paaralin ang anak, ipa-check up ang buntis na miyembro ng pamilya, sumailalim sa training at values formation.
- Latest
- Trending