Batas na maghihigpit sa media coverage ipapasa: Media binalaan ni P-Noy

MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon si Pangulong Benigno Aquino III na kapag naulit ang media coverage sa nakaraang Agosto 23 Manila hostage crisis ay mapipilitan ang gobyerno na magpanukala ng batas na maghihigpit sa media coverage sa hostage situation at iba pang krisis.

Sinabi ni Pangulong Aquino sa kanyang media briefing sa Malacañang, sana ay magsilbing aral na ang pagkakamali nina Mike Rogas at Erwin Tulfo ng RMN sa nakaraang media coverage sa Manila hostage drama upang hindi na ito maulit.

“We expect this kind of unprofessional behavior not to be repeated again, or we could be compelled to ask Congress for appropriate regulations to protect the safety of the public, our security forces and media itself,” paliwanag pa ng Pangulo.

Inilabas kahapon ni P-Noy ang final IIRC report kung saan ay inabswelto nito sa anumang kaso sina DILG Sec. Jesse Robredo, DILG Usec. Rico Puno, former PNP chief Jesus Verzosa at Manila Vice-Mayor Isko Moreno.

Pinakakasuhan naman niya ng administratibo sa DILG si Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa misconduct at simple neglect of duty habang kasong administratibo din ang pinakakaso kay Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III dahil sa neglect of duty at gross misconduct.

Pinasusumite naman ng Pangulo ang IIRC report sa Kamara para sa karampatang aksyon laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez habang si SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ng nasawing hostage-taker na si Sr. Insp. Rolando Mendoza, ay inutusan ang DOJ na madaliin ang re­solusyon ng kaso nitong serious disobedience at conspiracy in illegal detention saka pinakakasuhan sa Manila Police District ng illegal possession of firearm at serious illegal detention bilang kasabwat ng kapatid sa hostage-taking.

Hindi man pinakasuhan ng Pangulo sina Rogas at Tulfo ay ipinaubaya na lamang sa kanilang network at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas ang pagbibigay ng ‘kaparusahan’ dito.

Pinakakasuhan naman ng Pangulo sa Napolcom sina Chief Supt. Rolando Magtibay dahil sa gross incompetence at serious neglect of duty; NCRPO director Leocadio Santiago ng less grave neglect of duty; ang negotiator na si Supt. Orlando Yebra ng neglect of duty at SWAT chief na si Chief Insp. Santiago Pascual III ng gross incompetence.

Ayon kay Aquino, puwedeng makita ng taumbayan ang full IIRC report sa website ng Pangulo habang inaayos na ng DFA kung kailan magpupunta ang high-level team sa Hong Kong at China upang ibigay ang full IIRC report.

Show comments