Vendor pinatagay, bago pinatay

MANILA, Philippines - Patay ang isang tindero ng balut makaraang barilin ng isa sa mga lalaking nagpatagay pa sa kanya bago nangikil sa kanyang tinda para ga­wing pulutan, kamakalawa ng hapon sa Pasay City.

Naisugod pa sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Froilan Mulato, residente ng Protacio St., sa naturang lungsod subalit nasawi rin kahapon ng madaling araw sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa tiyan at kanang balikat.

Tumakas naman ang suspek na nakilala lamang sa alyas “Noriel” bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-5:40 ng hapon sa bakanteng lote sa may 2426 Taft Avenue sa kanto ng Protacio St. kung saan nag-iinuman ang grupo ng suspek.

Napadaan sa umpukan si Mulato kung saan hinarang ito ng mga suspek at pinilit na patagayin.  Napilitan namang uminom si Mulato sa mga makukulit na lasenggo hanggang sa pilitin siya ng mga ito na gawing pulutan ang tindang  mga balut.

Dito tumanggi si Mulato dahil sa hinango lamang niya ang mga paninda at hindi pa niya bayad ito.  Dito nagbunot ng baril ang salarin at dalawang beses na pinaputukan si Mulato bago mabilis na tumakas.

Show comments